Naniniwala si ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro na mas mapapadali ang pagrepaso sa K-12 program na matagal na nilang isinusulong sa Kamara.
Ito ay dahil mismong si Vice President-elect at incoming Education Secretary Sara Duterte ay nagpahayag na kumbinsido ito na panahon na para repasuhin ang K-12 program.
Bunsod nito ay muling isusulong ng kongresista sa 19th Congress ang pagrepaso sa K-12 program na sampung taon nang ipinatutupad.
Giit ni Castro, dapat ay kada limang taon nirerebisa ang curriculum para matiyak na tugma ito sa kasalukuyang panahon.
Samantala, muling itutulak din ng Makabayan sa Kamara ang pagbabalik sa ilang mga subjects o asignatura sa mga paaralan.
Kabilang sa mga subjects na isusulong na maibalik sa high school ang Philippine History, Good Moral and Right Conduct (GMRC) at Filipino.