Iginiit ni Senator Francis Tolentino ang pagrepaso sa kapangyarihan ng Food and Drug Administration (FDA) at pag-overhaul sa batas na lumikha dito.
Paliwanag ni Tolentino, lumalabas kasi na tila gumagawa ng sariling batas ang FDA, ito rin ang nag-i- interpret, nagpapatupad at nagpapabago kaya may mga nauna itong circulars na wala umanong legal na basehan.
Inihalimbawa ni Tolentino ang pagbabawal ng FDA sa pribadong sektor at Local Government Units (LGUs) na bumili ng bakuna mula sa manufacturers pero pinapahintulutan naman ito noong Setyembre 2020.
Tinukoy rin ni Tolentino ang Emergency Use Authorization (EUA) para sa COVID-19 vaccine na bagong termino na binuo lang ng FDA sa nakalipas na 35-araw gayong dati itong tinatawag na drug emergency use.
Binanggit din ni Tolentino ang kautusan ng FDA na hindi pwedeng gamitin ang COVID-19 vaccine na walang EUA pero may sinabi rin ito na pwedeng gamitin ang bakunang ido-donate ng China kung may superbisyon ng Department of Health (DOH).
Nilinaw naman ni Tolentino na hindi siya tutol sa FDA, pero baka kailangan itong tulungan para maintindihan ang bakuran ng kanilang kapangyarihan.