Pagrepaso sa licensure exam, iginiit ng isang kongresista

Igniit ni Senior Deputy Minority Leader at Northern Samar 1st District Representative Paul Daza ang pagrepaso sa polisiya na ipinapatupad sa mga licensure examination.

Panawagan ito ni Daza at sa mga kasamahang mambabatas at sa Professional Regulatory Commission o PRC sa layuning mabigyan ng tsansa ang malaking bilang ng mga bumabagsak sa licensure exam.

Tugon ito ni Daza makaraang lumabas sa datos ng PRC mula 2017 hanggang 2022, na nasa 40.81% lamang ang average passing rate sa 36 na propesyon na nagbibigay ng pagsusulit.


Giit ni Daza, mahalagang mapalakas ang “workforce” o hanay ng mga manggagawa na mahalaga sa pagpapasigla sa ekonomiya ng isang developing country katulad ng Pilipinas.

Pero punto ni Daza, paano natin ito makakamit kung napakataas ng pamantayan na itinatakda para sa mga licensure examinations kaya marami ang hindi nakakalusot.

Mungkahi ni Daza, magpatupad ng alternatibo sa licensure exams gaya ng apprenticeship kung saan maaaring magtrabaho sa ilalim ng isang licensed professional ang mga hindi nakapasa hanggang sa dumating ang takdang panahon o taon na maaari na silang makakuha ng lisensya batay sa performance at sertipikasyon ng kasanayan.

Facebook Comments