Pagrepaso sa National Building Code, pinamamadali ng Senado

Ipinarerepaso agad ni Senator Francis Tolentino ang National Building Code bilang paghahanda sa tinatawag na “The Big One”.

Ang apela para amyendahan ang building code ng bansa ay sa gitna na rin ng malakas na lindol na tumama noong nakaraang linggo sa Türkiye at Syria.

Giit ni Tolentino, ‘long overdue’ na ang pagpapalakas sa umiiral na probisyong nakapaloob sa Building Code na mahalaga para matiyak ang ‘structural integrity’ at ‘resiliency’ ng mga business establishments at residential areas.


Panahon na aniya para i-review ang building code partikular na sa mga lugar na may mga “fault lines” upang handa tayo sakaling mangyari sa Metro Manila at sa ilang kalapit na lalawigan ang kaparehong lakas ng lindol na tumama sa dalawang bansa.

Batay aniya sa naging pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2004, tinukoy na maraming istruktura sa National Capital Region (NCR) at kalapit na probinsya ang hindi kakayanin ang “The Big One” o ang 7.2 magnitude na lindol mula sa West Valley fault line.

Sa Martes ay nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang Senado tungkol sa audit at review ng mga nakatayong gusali at istruktura at kung nakasusunod ba ito sa National Building Code.

Facebook Comments