Suportado ni Albay Rep. Joey Salceda ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na repasuhin ang polisiya sa pagdedeklara ng state of calamity.
Ayon sa kongresista, kailangan amyendahan ang National Disaster Risk Reduction Law o RA 10121 upang mas maging madali ang pagdedeklara ng state of calamity at agad makapagpaabot ng tulong sa mga naapektuhan.
Sa kasalukuyan, ang deklarasyon ng state of calamity ay nakabase sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) batay sa ilang criteria.
Kabilang dito na dapat ay 15% ng populasyon ng apektadong lugar ang nangangailangan ng emergency assistance, hindi dapat bababa sa 30% ng kabuhayan ang apektado at may pinsala sa imprastraktura.
Bunsod nito, muling humirit si Salceda sa Senado na ipasa na ang panukalang bubuo ng Department of Disaster Resilience (DDR) kung saan nakapaloob ang mas pinadaling deklarasyon ng state of calamity.