Humiling ang Private Sector Advisory Council (PSAC) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na pag-aralan ang mga sahod at mga benepisyo ng mga nurses sa bansa.
Ayon sa PSAC, bukod sa pagbibigay ng scholarships at mga insentibo sa nursing schools at students ay inihirit nila sa pangulo na magkaroon ng umento sa sahod ng mga nurse na nagtatrabaho sa ospital ng gobyerno dahil napag-iiwanan na ito sa sweldo ng mga nasa private hospitals.
Dagdag pa, dapat magkaroon ng polisiya ang pamahalaan na nag-aatas ng parehas na sahod sa mga nurses ng pampubliko at pribadong sektor.
Batay kasi sa datos ng Department of Health (DOH), nasa kabuuang 617,000 ang lisensyadong nurses sa bansa, kung saan 28% dito ang nagtatrabaho sa government at private health facilities.
Sa nasabing bilang din ay 316,000 ang nag-migrate na, habang 21 percent ang nagtatrabaho sa ibang larangan.
Samantala, sinuportahan naman ni Pangulong Marcos Jr., ang proposal na magkaroon ng “ladderized” program sa mga nurses upang mapalakas pa ang health sector sa bansa.