
Sa gitna ng mataas presyo ng bilihin at mga bayarin ay isinulong ni Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla ang panukalang pagrepaso sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act at Expanded Value Added Tax (E-VAT).
Layunin ng hakbang ni Revilla na mapababa ang income taxes upang mabawasan ang pasanin ng mamamayang Pilipino lalo na ang mga nasa middle-class.
Ipinunto ni Revilla na bukod sa withholding tax na kinakaltas sa sahod ng mga manggagawa ay nagbabayad din sila ng buwis kapag ginastos ang kanilang suweldo tulad sa pagbili ng pagkain at iba pang pangangailangan.
Dagdag pa ni Revilla, sa middle class din kinukuha ang ilang nakatagong buwis tulad ng system loss charge sa kuryente, at excise tax kapag nagpagkarga ng produktong langis.
Sabi ni Revilla, ang halagang napupunta sa buwis ay pwede na sanang mapunta sa ipon, edukasyon, at emergency fund.
Bunsod nito ay hiniling ni Revilla sa Kamara na pag-aralan ang pagkakaloob ng middle-class relief package na aalalay sa kanila sa harap ng labis na buwis, mataas na gastusin at kawalan ng proteksyon sa milyon-milyong mga nagtatrababo pamilya sa bansa.









