Ipinag-utos ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagrerepaso at pagrerebisa sa implementasyon ng K- 12 program sa bansa.
Ito ang kinumpirma ni Vice President-elect at incoming Education Secretary Sara Duterte sa gitna ng ilang mga panawagan na suspendihin na ang pagpapatupad ng naturang programa.
Aminado naman si VP Sara na ang bagay na ito ay kailangang talakaying mabuti at maraming pag-uusap ang kailangan gawin dahil hindi umano mareresolba ang naturang isyu sa loob lamang ng isang-gabi.
Sinabi pa ni VP Sara na titingnan niya ang tatlong usapin tulad ng epekto ng pandemic sa mga mag-aaral, full iimplementation ng face-to-face classes, at ang masusing talakayan sa K-12 program.
Samantala, handa namang makipagdayalogo ang bise-pangulo at magsagawa ng konsultasyon sa grupo ng mga guro at magulang upang pag-usapan ang sistema ng edukasyon sa bansa, gayundin ang umento sa sahod ng mga guro.