Iginiit ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na hindi kailangan dumaan sa giyera ang Pilipinas para igiit ang pagkapanalo nito sa International Arbitral Tribunal laban sa China kaugnay sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagdadahan-dahan ang gobyerno sa pagtugon sa usapin ng teritoryo sa pangambang mauwi sa giyera ang komprontasyon.
Hinamon din ng Pangulo ang mahistrado na bigyan siya ng ‘formula’ kung paano ito reresolbahin.
Tingin ni Carpio – ang mga sinasabi ng Pangulo patungkol sa giyera ay panakot lamang para hindi pumalag sa China.
Dito inisa-isa ni Carpio ang mga pwedeng gawing hakbang ng gobyerno:
- Pwedeng pumasok ang Pilipinas sa isang convention kasama ang Vietnam, Malaysia, Indonesia at Brunei para ideklarang walang geologic features sa Spratly Islands ang bumubuo ng Exclusive Economic Zone (EEZ), kundi territorial seas lamang sa mga feature na nasa taas ng tubig kapag high tide.
- Pwedeng maghain ng claim sa UN Commission on the Limits of the Continental Shelf ang Pilipinas para i-extend ang continental shelf nito, lagpas sa 200 nautical miles ng EEZ sa Luzon, hindi rin masasapawan ng extended continental shelf ng Pilipinas ang extended continental shelf ng China.
- I-deploy para magbantay ang mga bagong barkong ibinigay ng Japan sa Philippine Coast Guard (PCG).
- Himukin ng freedom of navigation at overflight operations ang US, UK, Australia, France, Japan, India at Canada sa West Philippine Sea. Maaari ring ipadala ng Pilipinas ang navy nito.
- Pwedeng suportahan ng gobyerno ang pribadong sektor na nagsusulong ng pagpapatupad ng arbitral award.
Tugon ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo – diplomatikong negosasyon pa rin ang mainam na option.