
Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na uunahin nila ang problema sa kakulangan ng mga silid-aralan matapos mabigyan ng pinakalamaking pondo sa 2026 proposed budget.
Kung maalala, nasa ₱928.52 billion mula sa ₱6.793 trillion na panukalang pondo sa 2026 ang mapupunta sa education department.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, malinaw ang kanilang layunin na magkaroon ng ligtas, sapat at napapanahong mga classroom para sa bawat learner sa ano mang panig ng bansa.
Nagpasalamat naman si Angara sa Department of Budget and Management (DBM) na paglalagay nila ng special provision sa 2026 National Expenditure Plan (NEP) na nagbibigay ng pagkakataon ang DepEd na makipag-partner sa iba pang ahensiya para maisakatuparan ang kanilang mga programa.
Sa ilalim ng kasalukuyang set-up, ang DepEd ang naaatasang busisiin ang pangangailangan ng mga classroom, gumawa ng design at safety standards at saka ipoprograma ang pondo.
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang direktang nakatatanggap ng pondo at siyang nangangasiwa sa cost estimates, procurement, at actual construction.
Dahil dito, tiniyak ng DepEd na palalakasin pa nila ang pagpaplano at koordinasyon sa DPWH para mapagkasunduan ang disaster-resilient designs ng mga silid aralan at makipag-ugnayan sa mga local government units, non-government organizations at private sectors para sa kanilang mga programa.









