Pagresolba sa presensiya ng mga Chinese vessels sa West Philippine Sea, idadaan sa mapayapang paraan – Malakanyang

Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na reresolbahin sa mapayapang paraan ang isyu sa presensiya ng mga Chinese vessels sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, kung ano ang pagkakaiba ng China at Pilipinas ay hindi ito makakaapekto sa gitna ng pagresponde ng bansa sa COVID-19 pandemic kasama na ang vaccine cooperation at post-pandemic recovery.

Kasabay nito, pursigido naman ang Department of Foreign Affairs (DFA) na araw-arawin ang paghahain ng diplomatic protest.


Ito ay kung patuloy na magmamatigas ang China na alisin ang mga barko nito sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.

Binigyang diin naman ng DFA na araw-araw nilang igigiit sa China na ang nasabing bahura ay bahagi ng karagatan ng Pilipinas dahil sakop ito ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.

Pinaalala rin ng DFA sa mga opisyal ng Chinese Embassy na bisita lamang ang mga ito kaya’t dapat sumunod sila sa protocol na naaayon sa respeto sa mga opisyal ng bansa.

Sa ngayon, naniniwala ang isang analyst na si Renato de Castro mula sa De La Salle University na maaaring maulit ang standoff sa Scarborough Shoal sa presensya ng mga Chinese sa West Philippine Sea.

Tila nauulit kasi aniya ang mga pattern na naganap na noong 2012 sa Scarborough o ang Panatag Shoal kung saan nagkaroon ng standoff sa pagitan ng Pilipinas at China.

Bagama’t nanalo ang Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, hindi ito kinilala ng China dahil nagtayo pa rin ng mga artificial islands ang China sa Scarborough Shoal na nasa loob ng EEZ ng Pilipinas.

Facebook Comments