
Tiwala ang Department of Transportation o DOTr na kaya nilang resolbahin ang isyu sa right-of-way ng Metro Manila Subway Project sa ikalawang quarter ng 2026.
Sinabi ni acting Transportation Sec. Giovanni Lopez, sa ngayon ay nasa 75 percent na ang nakukuha nilang right-of-way para sa naturang proyekto.
Target nila itong gawing 95 percent hanggang sa katapusan ng kasalukuyang taon at 100 percent sa ikalawang quarter ng 2026.
Kung maalala, ang right of way ang isa sa mga dahilan ng pagkaantala sa pag-usad ng proyektong kauna-unahang underground railway sa bansa.
Isa na rito ang Ortigas Avenue station na naantala ang konstruksiyon ng ilang taon dahil sa isyu ng right of way.
Nasa 95 percent na ring naresolba ang right-of-way issue sa naturang istasyon at pagsapit ng Disyembre ay umaasa ang DOTr na makukumpleto na ito.









