Manila, Philippines – Hinimok ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na pag-ibayuhin ang kakayahan sa pagresponde sa mga posibleng secondary explosions o bombings.
Ito ay dahil na rin sa nangyari na pagpapasabog sa Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.
Paliwanag ng kongresista, ginagawa na ngayon ng mga terorista ang una at ikalawang pagpapasabog na layong magbigay ng malaking pinsala hindi lamang sa mga survivors kundi pati na rin sa mga rescuers o first responders.
Sinabi ni Pimentel na nasorpresa sila na hindi natunugan ng mga militar ang ikalawang pagsabog na kumitil sa buhay ng limang sundalo na reresponde sana sa insidente.
Hinikayat din ni Pimentel ang AFP at PNP na paigtingin din ang kanilang intelligence-gathering capabilities para mapigil ang anumang pag-atake sa hinaharap lalo na pag tuluyan nang nailatag ang bagong Bangsamoro region.