PAGRESPONDE NG DISTRICT HOSPITAL SA BALAOAN, LA UNION, PINALAKAS SA FULL-SCALE EMERGENCY DRILL

Pinatibay ng Balaoan District Hospital (BLDH) sa La Union ang kahandaan nito sa pagtugon sa sakuna at krisis sa pamamagitan ng isinagawang full-scale emergency drill.

Kasama sa aktibidad ang mga kawani ng ospital at mga observer mula sa Balaoan Fire Station at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO).

Nagsimula ang drill sa mga lecture tungkol sa protocols sa lindol, sunog, bagyo, chemical spill, at mass casualty incidents, kabilang ang tamang evacuation procedures, hazard assessment, decontamination, at pagpapatuloy ng operasyon ng ospital sa panahon ng emergency.

Sinundan ito ng simulation na pinagsanib ang lahat ng scenario, kung saan sinanay ang mga tauhan sa evacuation, triage, pag-aasikaso sa pasyente, at emergency treatment.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, itinataguyod ng drill ang kahandaan ng BLDH na magbigay ng tuloy-tuloy at maayos na serbisyong pangkalusugan sa oras ng krisis, kasabay ng pagpapalakas ng kakayahan ng ospital sa pamamahala ng emergency situations.

Facebook Comments