La Union – Hindi inaalis ng pamunuan ng Philippine National Police ang posibilidad na kagagawan ng private armed group o PAGS ang pananambang kina Balaoan La Union Mayor Aleli Concepcion at Vice Mayor Alfred Concepcion sa Luna Road Brgy Cabuuan Balaoan La Union kaninang umaga.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, may presensya ng PAGS sa La Union, Cagayan Bulacan at iba pang lalawigan sa Region 4A.
Maari aniyang nagagamit ang mga PAGS na ito nang sinumang pulitiko para sa kanilang personal na interest.
Sa La union din aniya nagooperate ang peralta private armed group na ilan sa mga miyembro nito ay naaresto nitong weekend at kahapon ay iprinisenta sa Camp Crame.
Pero sa ngayon wala pang matibay na ebidensya ang PNP kung talagang Peralta group ang may gawa sa pananambang.
Nagpapatuloy pa aniya ang kanilang imbestigasyon.
Sa nangyaring pananambang nasawi si Balaoan, La Union Vice Mayor Alfred Concepcion at aide nitong si Michael Ulep, habang patuloy na ginagamot si Mayor Concepcion.