Pagsabog mula sa ilegal na pagawaan ng paputok sa Dagupan City, bumulabog sa mga residente

Isang malakas na pagsabog, na sinundan ng mga pagputok, ang gumulantang sa mga residente ng Barangay Tebeng, Dagupan City, kahapon, Nobyembre 16.

Ayon kay Barangay Captain Mark Fiel Gomez, nagulat na lamang sila sa nangyari at nang puntahan ang pinagmulan ng pagsabog, natuklasan nila ang ilegal na pagawaan ng paputok sa loob ng isang private compound.

Nagdulot ito ng pagkasira ng ilang mga kagamitan sa mga kalapit na bahay, tulad na lamang ng bahay ng residenteng si Mark Macaoay, na hindi maipinta ang mukha matapos ang sinapit ng ilan sa kanilang kagamitan dahil sa pagsabog.

Agad namang inapula ng mga kawani ng Bureau of Fire Protection Dagupan ang idinulot ng pagsabog habang nagsasagawa na rin ng malalimang imbestigasyon ang hanay ng Dagupan City Police ukol sa naganap na insidente.

Sa pahayag ng alkalde ng lungsod, mahigpit na ipinagbabawal ang mga pagawaan ng paputok nang walang kaukulang permiso mula sa mga awtoridad.

Facebook Comments