*Cauayan City, Isabela- *Dalawa ang kumpirmadong patay mula sa 41st Infantry Battalion, 5th ID, PA habang lima ang sugatan sa magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu.
Ito ang kinumpirma ni Major Jefferson Somera, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID sa RMN Cauayan kung saan nakilala ang dalawang nasawi na sina Sgt Mark Des P. Simbre, residente ng San Ramon West, San Isidro, Isabela at Cpl John B. Mangawit na taga Mabaca, Tanudan, Kalinga.
Nakilala naman ang limang sugatan na sina SSg Victor S. Ubaldo Jr. ng Gumbauan, Echague, Isabela, Cpl Jonel B. Ngitit ng Brgy. Duldulao, Malibcong, Abra, Cpl Timothy D. Bigot ng Poblacion, Boliney, Abra, PFC Jonathan A. Magguia ng Bulanao, Tabuk City, Kalinga at si Pvt Cliver l. Serquiña ng Calanan, Tabuk City, K alinga.
Matatandaan na pasado alas otso ng umaga kahapon, Enero 27, 2019, naganap ang unang pagsabog ng bomba sa loob ng Our Lady of Mt. Carmel Cathedral habang nagdaraos ng misa na sinundan sa labas ng simbahan na ikinasawi ng mahigit 20 katao na kinabibilangan ng mga sundalo at ikinasugat ng higit 80 iba pa.
Ayon kay Major Somera, rumesponde ang kasundaluhan matapos makarinig ng unang pagsabog mula sa simbahan subalit nang makarating sa lugar ay nangyari ang ikalawang pagsabog na ikinasawi nina Sgt Simbre at Cpl Mangawit.
Nagpaabot naman ng pakikidalamhati ang buong pamunuan ng 5th ID sa pamilya ng dalawang sundalong nasawi maging sa limang sugatang sundalo dahil sa nangyaring malalakas na pagsabog sa Jolo Cathedral.
Inaasahan namang maiuwi bukas o sa mga susunod na araw dito sa Lalawigan ng Isabela ang mga labi ng dalawang nasawi maging ang limang sugatan upang dito na rin magpagaling.