Cauayan City, Isabela- Pagtutuunan ng pansin ng 501st Infantry Brigade ang pagsagip sa mga kabatan mula sa ginagawang recruitment ng New People’s Army (NPA) sa lalawigan ng Cagayan at Lower Apayao.
Ibinahagi ni Col. Steve D. Crespillo, INF (GSC), Brigade Commander ng 501st Infantry, maigting aniya ang kanilang pagsasagawa ng mga proyekto at programa upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa kanilangnasasakupan na kinabibilangan ng probinsya ng Cagayan at Apayao.
Binigyang diin nito na binabantayan ng kasundaluhan sa lugar ang pagsasagawa ng mga rebeldeng grupo ng rekrutment gamit ang online dahil na rin ng pandemiya.
Sa kasalukuyang taon, mayroon ng 80 na bilang ng sumukong mga dating rebelde kung saan pito dito regular, 42 ang Militia ng Bayan at ang iba ay aktibong miyembro ng Sangay ng Partidong Lokal.
Inaayos na lamang ani Col. Crespillo ang matatangap nilang ayuda mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.
Nagpapatuloy naman ang panawagan ng 501st IB sa mga nalalabi pang kasapi ng NPA na sumuko na sa gobyerno upang makapamuhay na ng payapa kasama ang mga mahal sa buhay at mabigyan rin ng tulong mula sa pamahalaan.