Pinagbigyan ng second division ng Commission on Elections (Comelec) si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magkaroon ng mas maraming panahon para sumagot sa petisyon laban sa kanyang certificate of candidacy (COC).
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, napaso na ang dealine nitong November 16 pero binigyan pa si Marcos ng hanggang November 22 para magpaliwanag.
Nasa limang petisyon ang inihain sa Comelec na naglalayong kanselahin ang kandidatura ng dating mambabatas.
Ang mga petitioners ay kinabibilangan ng human rights advocates at Martial Law survivors.
Pawanag nakasaad sa petisyon na nagsinungaling si Marcos sa kanyang COC, dahil na-convict ito ng apat na bilang ng paglabag sa Tax Code ng Court of Appeals, dahil sa kanyang kabiguang maghain ng income tax returns mula 1982 hanggang 1985.
Sa ilalim ng Tax Code, ang naturang offense na ginawa ng public official ay may kasamang na parusa na perpetual disqualification mula sa public office.
Maliban kay Marcos, isa pang COC cancellation petition ang inihain sa Comelec ni Julieta Pearson, legal wife ng Senatorial candidate na si Raffy Tulfo.
Ayon sa petitioner, nagsinungaling umano si Raffy matapos na hindi siya ang inilagay nitong asawa sa kaniyang certificate of candidacy.
Ngayong Disyembre nais resolbahin ng Comelec ang mga kasong ito bago ang simula ng pag-iimprenta ng balota sa January 15.