Pagsailalim kay Michael Yang sa HDO, watchlist, o lookout bulletin, pormal ng hiniling ng Senado sa DOJ

Sumulat na si Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon kay Justice Secretary Menardo Guevarra.

Laman ng liham ang hiling na isailalim sa Hold Departure Order (HDO), watch list, o lookout bulletin si dating Presidential Economic Adviser Michael Yang aka Yang Hong Ming.

Ang hakbang ng komite ay makaraang hindi muling dumalo si Yang sa ika-anim na virtual hearing ukol sa pagbili ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) ng umano’y overpriced na face mask, Personal Protective Equipment (PPE) at iba pang medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.


Ayon sa kaniyang abogado na si Atty. Raymund Fortun, hindi nakadalo sa Senate hearing si Yang dahil tumaas ang blood pressure nito at pinayuhan ng doktor na mag-bed rest sa loob ng limang araw.

Pero hanggang ngayon ay wala pa ring naisusumite sa komite na medical certificate si Yang.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, makabubuting may HDO o ilagay sa watch list, o lookout bulletin si Yang para agad silang maabisuhan sakaling magtangka itong lumabas ng bansa.

Facebook Comments