Umaasa ang Department of Health (DOH) na bahagyang luluwag ang mga ospital at makakapagpahinga na ang mga healthcare workers sa loob na pagsasailalim ng Metro Manila sa dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Health Undersecretary at Treatment Czar Leopoldo Vega, layon nang pagpapatupad ng ECQ na makontrol ang paglabas ng mga tao.
Sa ganitong paraan kasi aniya ay mapipigilan ang hawaan ng COVID-19 at mababawasan ang mga mao-ospital.
Kasabay nito, iginiit naman ni Vega na kung hindi maaagapan ang pagkalat ng Delta variant ng COVID-19 ay posible na umabot sa 30,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Sinabi naman ng opisyal na mas malaking problema ang pagtukoy sa totoong bilang ng mga kaso ng Delta variant dahil na rin sa limitadong kakayahan ng bansa sa genome sequencing.
Sa ngayon, ang mga lugar na may kaso na ng Delta variant ay ang NCR, Region 1, 3, 4A, 6, 7 at 10.
Pero tanging sa Metro Manila naitala ang pinakamaraming kaso ng mas nakakahawang variant ng COVID-19.