
Hiniling ng House Committee on Public Accounts sa Commission on Audit (COA) na isailalim sa audit ang paggamit ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa ₱6.4 billion na Local Government Support Fund (LGSF) nito.
Sinulong ito ni House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur sa pagdinig ng komite ukol sa kinukuwestyong pamimigay ng naturang pondo sa mga paboritong barangay.
Ayon kay Adiong, base sa Internal Auditing Policies ng COA, ang central o national office ang may responsibilidad sa pag-audit ng mga pondong lumalampas sa ₱50 million.
Kinuwestiyon ni Deputy Minority Leader Mujiv Hataman ng Basilan ang patuloy na hindi pagdalo ng mga opisyal ng BARMM sa pagdinig sa kabila ng kahalagahan ng usapin.
Sabi naman ng chairman ng komite na si Abang Lingkod Party-list Representative Joseph Stephen Paduano, sumulat ang mga opisyal ng BARMM at ipinaalam na ang kanilang hindi pagdalo ay dahil sa kasalukuyang Ramadan kung kailan nag-aayuno ang mga Muslim.
Pero giit ni Hataman, walang probisyon sa Islam na nagbabawal sa mga Muslim na gampanan ang kanilang tungkulin o pang-araw-araw na gawain sa panahon ng banal na Buwan ng Ramadan.