Pagsalakay ng mga NPA sa San Guillermo, Isabela, Kinundena ng PRO2!

San Guilliermo, Isabela- Kinundena ni Police Brigadier General Jose Mario M. Espino ng Police Regional Office 2 ang ginawang kalupitan ng mga kasapi ng Communist Terrorist Group noong Abril 5, 2019 sa Brgy Burgos, San Guilliermo, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan mula sa PRO2, unang pinasok ng dalawang rebelde ang bahay ni Brgy. Kagawad Rolan Piscador kasama si Brgy Kagawad Mariano Corpuz kung saan nabaril sa balakang si Corpuz matapos silang tumakas.

Sinunog ng dalawang rebelde ang naiwang motorsiklo ni Kag. Piscador at kinuha ang kanyang pera na nakalagay sa loob ng kanyang belt bag na nagkakahalaga ng P16,000.00.


Bandang 9:30 naman ng gabi sa parehong araw, sumunod na sinalakay ng hindi pa mabatid na bilang ng mga NPA ang bahay ni Brgy Chairman Elesio T Miguel at tatlong armadong kalalakihan umano ang pumasok sa kanyang bahay kung saan nagtago lamang umano ang Kapitan sa ilalim ng kama upang hindi siya makita.

Nagpaputok pa ng tatlong beses ang mga NPA bago umalis sa bahay ng Kapitan.
Kaugnay nito, kinilala ng tatlong biktimang opisyal ang mga suspek na sina Noly Gummallaui Sr., Noly Gummallaui Jr.,Jimmy Agliam, Alberto Gummallaui, Ryan Gummallaui, Sherwin Macadaeg, Willy Baltazar, Alias “Ka Yuni”, Alias “Ka Regine”, Alias “Ka Niknik”, Alias “Ka Dindo”, Alias “Ka Eloy”, Alias “Ka Roan”, Alias “Ka Arki”, Alias “Ka Bang” and Alias “Ka Baylon” na pawang mga kasapi ng Communist Terrorist Group na nag-ooperate sa bayan ng San Guillermo.

Patuloy naman ang isinasagawang hot pursuit operation ng PNP at AFP para sa pagkakadakip ng mga salarin.

Inihahanda naman ng PNP ang kasong Frustrated Murder, Attempted Murder, Arson, Robbery, Grave Threat at Trespass to Dwelling na isasampa laban sa mga suspek.

Ang pag-atake umano ng mga rebelde laban sa mga barangay officials ay 
nagpapakita lamang na baluktot ang kanilang prinsipyo at ideolohiya.
Facebook Comments