Manila, Philippines – Sa Enero 14 hanggang Pebrero 8 magbabalik ang regular na sesyon ng Kamara at Senado.
Dito ay inaasahan ang pagsalang sa Commission on Appointments o CA ni Senator Gringo Honasan na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging kalihim ng Department of Information and Communications Technology o DICT.
Si Honasan ay nanatili pa ring senador at hindi pa makakaupo sa DICT dahil kailangan muna siyang makumpirma ng CA sapagkat na session ang Kongreso nang siya ay italaga noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Una nang inihayag ni Senate President Tito Sotto III at ng ilan pang mga senador na siguradong agad kukumpirmahin ng CA ang appointment ni Honasan.
Bukod kasi anila sa kwalipikado ito sa posisyon ay naging tradisyon na sa CA na agad palusutin ang mga dating senador at kongresista.
Nakapila din na isasalang sa CA ang mga dating leader ng militar na sina DILG Secretary Eduardo Año at DSWD Secretary Rolando Bautista.