Nilinaw ng Malakanyang na katanggap-tanggap para sa mga opisyal ng gobyerno na salubungin ang mga Filipino Olympic medalist sa kabila ng kailangang pagsailalim ng mga ito sa quarantine protocols.
Kasunod ito ng kumalat na isyu matapos salubungin nina Senator Christopher “Bong” Go at Executive Secretary Salvador Medialdea ang mga Olympic boxers na sina Nesthy Petecio, Irish Magno, Carlo Paalam at Eumir Marcial sa pagdating ng mga ito sa Pilipinas.
Ayon kay Roque, maituturing na exceptional ang nangyari dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nagwagi ang ating mga atleta sa Olympics at karapat-dapat lang na magkaroon sila ng heroes welcome.
Maituturing namang katapangan ng malakanyang ang pagsalubong nina Go at Medialdea dahil hindi alintana ng mga ito ang posibleng pagkahawa sa COVID-19.
Apat na medalya mula sa kumpetisyon ang nakamit ng Pilipinas, kabilang ang isang gintong medalya mula kay weighlifter Hidilyn Diaz, dalawang silver mula kina Petecio at Paalam habang bronze mula kay Marcial.
Nagtapos ang Pilipinas sa ika-50 na puwesto sa Tokyo Olympics.