Pagsalubong sa Bagong Taon sa Isabela, Payapa

Cauayan City, Isabela- Naging mapayapa ang pagsalubong sa bagong taon sa buong Lalawigan ng Isabela batay sa naging monitoring ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay *Fire Chief* Insp. *Aristotle Atal*, ang acting provincial director ng BFP Isabela at Fire Marshal ng BFP Cauayan City, kanyang sinabi na walang naitalang fireworks-related injuries o naputukan mula sa araw ng Kapaskuhan hanggang sa pagsapit ng bagong taon.

Ito’y dahil na rin sa maigting na pagpapaalala ng bawat hanay ng bumbero sa mga mamamayan sa Lalawigan katuwang ang mga kapulisan.


Nagpapasalamat naman ang buong hanay ng BFP sa probinsya sa ipinakitang suporta at pakikiisa ng mga mamamayan upang makamtam ang inaasam na walang mabibiktima ng paputok sa pagsalubong ng bagong taon.

Matatandaang bago sumapit ang Pasko at bagong taon ay nagsagawa na ang bawat hanay ng BFP ng maigting na pagpapaalala sa mga residente kaugnay sa mga ipinagbabawal na paputok, ininspeksyon ang mga ibinebentang pailaw at firecrackers sa mga designated areas bilang bahagi na rin sa kanilang kampanya na Oplan Ligtas Pamayanan.

Facebook Comments