Pabor ang grupong Malayang Konsyumer sa isinusulong ni Senator JV Ejercito, na maisama ang hoarding at profiteering bilang isang uri rin ng economic sabotage sa pag-amyenda sa Republic Act No. (RA) 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act
Sa pahayag ni Atty. Simoun Salinas, spokesperson ng nasabing grupo sa media forum sa Maynila, nararapat lamang na kumilos ang gobyerno at katuwang ang iba pang sanggay ng pamahalaan, kabilang ang lehislatura na maglunsad ng all-out campaign kontra agri-smuggling.
Nabatid na unang inihain ng senador ang Senate Bill No. 1688 kung saan ipinapanukala niya na bukod sa smuggling, ang pagkakasangkot sa hoarding, profiteering at12 pagkakaroon ng kartel sa asukal, mais, baboy, manok, bawang, sibuyas, carrots, isda at mga gulay na mahigit sa isang milyong piso, o ang pagpupuslit ng bigas na nagkakahalaga ng sampung milyong piso, ay ituturing na rin bilang isang economic sabotage.
Mungkahi pa ni Ejercito, patawan ng parusang kulong na hindi bababa sa 17 taon ang sinumang mapapatunayang nasa likod ng hoarding, profiteering, at mga kartel sa pagpupuslit ng produktong agrikultura, bukod pa sa multang doble sa halaga ng nasabat na mga produktong.
Ayon kay Atty. Salinas, suportado nila ang layuning pangalagaan at maisulong ang kapakanan ng mga magsasakang Pilipino at fisherfolk gayundin ang iba pang nasa lokal na sektor ng agrikultura, kasama na rin ang mga konsyumer at makamit ang food security ng bansa.
Nabatid na labis na ikinalungkot ng Malayang Konsyumer ang patuloy na pagsipa sa presyo ng mga produktong pagkain kabilang na ang kada kilo ng sibuyas kung saan sinasabing resulta lamang ito ng price manipulation at hoarding, bukod pa sa talamak na smuggling.
Una nang kinastigo ng grupo ni Atty. Salinas si Senator Lito Lapid sa pagpapanukalang isama ang tabako at sigarilyo sa agri-products sa mahigpit na pagpapatupad ng RA 10845 kung saan dapat na mas pagtuunan ng pansin ng senador ang usapin ng pagkain o food supply ng bansa at hindi ang tabako at sigarilyo.