Binigyang-diin ang kaligtasan ng mga motorista at biyahero sa patuloy na panawagang gawing ‘urgent’ ang pagsasaayos ng Malico Road (Pangasinan–Nueva Vizcaya Road) bilang pangunahing daanan na nag-uugnay sa Region I, Region II, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa isinagawang briefing ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga prayoridad na plano, programa, at aktibidad ngayong 2026, muling iginiit Pangasinan 6th District Representative Marlyn Primicias-Agabas , ang matagal nang suliranin sa kondisyon ng Malico Road na patuloy umanong nagdudulot ng panganib sa mga naglalakbay dito.
Ayon sa kanya, kinakailangan ang karagdagang reinforcements at mas mabilis na interbensyon tulad ng aprobadong pondo mula sa DPWH upang masimulan na ang pagkukumpuni at maiwasan ang posibleng aksidente at mas matinding pinsala sa kalsada.
Ayon sa DPWH Regional Office 1, tatlong beses nang naghain ng request ng pondo sa Central Office sa magkakaibang buwan noong 2025, na aabot ng P405 mliyon. Ipinaliwanag naman ng punong tanggapan na hinihintay pa ang paglalabas ng nasabing pondo, dahilan upang magpadala muna ng mga inhinyero para magsagawa ng ocular inspection sa Malico Road.
Bilang konkretong hakbang, naghain din ng mosyon para sa isang resolusyon na hihimok sa Pangulo ng bansa na gawing prayoridad ang pagsasaayos ng Malico Road, na itinuturing na isang kritikal at agarang isyu para sa kaligtasan at nagduudgtong sa malaking bahagi ng Hilagang Luzon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










