PAGSASAAYOS NG MGA ANTHROPOMETRIC MEASURING TOOLS, ISINAGAWA

CAUAYAN CITY – Isinagawa ng Department of Science and Technology (DOST) at Provincial Health Office (PHO) ng Isabela ang isang pagsasanay para sa mga nutrition worker ukol sa tamang pagsasaayos ng mga anthropometric measuring tools.

Kabilang sa mga kagamitang ito ang timbangan, height board, at length board—mga kagamitang mahalaga sa pagtukoy ng tamang datos sa nutrisyon.

Layunin ng pagsasanay na bigyan ng sapat na kaalaman ang mga local health workers upang masigurong tama ang pagsukat sa timbang at tangkad, lalo na sa mga bata at mga nasa panganib na grupo, na mahalaga sa pagtukoy sa kanilang kalagayang pang-nutrisyon.

Binigyang-diin ni Dr. Nelson Paguirigan, provincial health officer II, ang kahalagahan ng maaasahang datos sa nutrisyon para sa paggawa ng mga tamang programa at polisiya.

Aniya, ang ganitong pagsasanay ay nagpapalakas sa kapasidad ng mga health frontliner at nakatutulong sa pagpapatibay ng mga serbisyong pangkalusugan.

Kabilang din sa pagsasanay ang hands-on sessions na nagturo sa mga kalahok kung paano tukuyin at itama ang mga karaniwang pagkakamali sa pagsukat.

Facebook Comments