Pagsasaayos ng mga tinatanggap na POGO workers, makakakolekta ng mataas na buwis sa bansa

Irerekomenda ni House Games and Amusement Committee Chairman Eric Yap ang pagsasaayos sa mga tinatanggap na mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) partikular ang mga POGO Chinese workers.

Naniniwala si Yap na makakatulong ang pag-aayos ng dokumentasyon ng mga POGO Chinese workers sa pagtaas ng pangongolekta ng buwis mula sa mga ito.

Gayundin ay mapapangalagaan ang mga legal na foreign workers sa bansa kaakibat ng pagre-regulate sa dokumentasyon ng mga ito.


Dahil dito, magsasagawa ng pulong ang komite at ipapatawag ang Bureau of Immigration para alamin ang kasalukuyang sitwasyon ng mga Chinese POGO workers sa bansa.

Sisilipin dito ng komite ni Yap kung ilan ang mga POGO workers sa mga hub, kung lahat ba ay nagtatatrabaho ng ilegal at kung nabibigyan ang mga ito ng working visa para lehitimo ang pagtatrabaho sa Pilipinas.

Napuna ng mambabatas ang kahalagahan sa pagkakaroon ng proper documentation at regulasyon sa pagtanggap ng mga dayuhang POGO workers bunsod na rin ng mga balitang kidnapping, extortion at theft na kagagawan ng mga Chinese sa kapwa rin Chinese.

Facebook Comments