Manila, Philippines – Aminado ang NDRRMC na hindi magiging madali ang isasagawang pagsasaayos ng pinsalang dulot ng bakbakan sa Marawi City.
Ayon kay DSWD Sec Judy Tagiwalo, na tumatayo rin bilang NDRRMC Vice Chairperson for disaster response, ngayon pa lamang ay ramdam na nila ang hirap sa pagbibigay ng tulong sa mga evacuees.
Aniya, kahit 24/7 na ang ginagawang pagkilos ng kanilang hanay, mayroon pa ring mga evacuees na hindi naaabutan ng tulong ng pamahalaan.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na patuloy ang pagpapaigting ng kanilang koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang departamento ng pamahalaan.
Sa katunayan aniya, nakapag prisinta na ang DSWD ng kanilang mga plano para sa pagsisimula nh rehabilitasyon, gayundin ang DPWH, DOH, DepEd, CHED at Lokal na pamahalaan ng Marawi City.
Kaugnay nito, muli namang nagpasalamat ang kalihim sa mga private o Non-Government Organization na naging katuwang nila sa pagpapaabot ng tulong sa mga nagsilikas mula sa Marawi City.