Patuloy na nakaranas ng pagkawala ng kuryente ang ilang lugar sa Pangasinan habang abala ang mga power cooperatives sa pagsasaayos ng mga linya matapos ang epekto ng Super Typhoon Uwan.
Ayon sa Dagupan Electric Corporation (DECORP), nakaranas ang kanilang franchise area ng unscheduled power interruption at kasalukuyang isinasagawa ang restoration sa mga naapektuhang lugar.
Sa bahagi naman ng PANELCO III, puspusan ang pagkukumpuni sa Tayug, kung saan nakabawi na ng kuryente ang ilang barangay tulad ng Poblacion A hanggang D, Libertad, Toketec, Barangobong, Carriedo, Panganiban, at Trenchera.
Batay sa ulat ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) noong hapon ng Nobyembre 10, nakabawi na rin ng kuryente ang mga bayan ng Malasiqui, San Carlos City, Bayambang, Bautista, Alcala, Bugallon, Binmaley, Lingayen, Mangatarem, at Urbiztondo.
Samantala, nagpapatuloy ang inspeksyon at pagkukumpuni ng mga power cooperatives sa mga poste at linya ng kuryente sa iba pang apektadong lugar sa buong lalawigan.











