Nasimulan na ang pagsasaayos ng mga mali o kahinaan ng healthcare system ng bansa.
Ayon sa pangulo, hinihikayat niya ang ang mga nursing underboard graduates na magtrabaho bilang clinical care associates o CCAs.
Ang hakbang ay ginawa matapos lagdaan ang isang memorandum of understanding (MOU) kasabay ng paglulunsad ng Clinical Care Associates (CCA) Upskilling Program na dinisenyo para lumikha ng malaking pwersa ng mga lisensyadong nurses at tugunan ang kakulangan nito sa buong bansa.
Binigyang diin ni PBBM na importante matugunan ang demand para sa mga medical professionals na may importanteng papel sa pagsasaayos ng healthcare system sa pamamagitan ng CCA Upskilling Program kung saan naisapormal ito sa pamamagitan ng Joint Administrative Order (JAO) No. 2023-0001 at MOU.
Batay pa sa ilalim ng MOU, napagkasunduan ng mga pampubliko at pribadong ospital na kumuha o mag-hire ng underboard o hindi pa pasadong nursing graduates bilang clinical care associates o CCAs sa loob ng isang taon na maaari pang i-renew ng dalawang beses kapag hindi pa rin sila nakapasa sa licensure exams habang bubuo rin ng upskilling program katuwang ang higher education institutions.
Una nang inihayag ng Department of Health (DOH) na hanggang noong December 2022 ay mahigit isang daang libo ang kakulangan sa nurse sa bansa habang binanggit naman ng Professional Regulatory Commission (PRC) na 53.55 percent lamang ng mga registered nurses ang aktibo at nagtatrabaho sa health sector.