
Suportado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Blue Economy Act na layong protektahan ang yamang-dagat ng bansa, habang pinapalakas ang kabuhayan ng mga mangingisda at pinatitibay ang katatagan ng mga komunidad sa harap ng climate change.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi hahadlangan ng pangulo ang mga hakbang para sa ikabubuti ng kalikasan at ng mga mangingisda.
Matatandaang muling inihain nina Senators Loren Legarda at Risa Hontiveros ang panukalang batas na layong isulong ang isang pambansang balangkas para sa blue economy, na isang modelo ng kaunlarang nakabatay sa responsableng paggamit ng yamang-dagat para sa pangmatagalang benepisyo ng bansa.
Noong Agosto 2024, inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Senate Bill No. 2450 na magtatatag sana ng blue economy framework pero hindi naratipikahan ang pinagsamang bersyon ng Senado at Kamara sa 19th Congress.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), tinuturing ng mga mambabatas ang Blue Economy Act bilang isang landmark legislation na magbibigay ng malinaw na direksyon sa paggamit ng yamang-dagat at para higit pang pagtibayin ang Philippine maritime rights.









