Friday, March 20, 2026

Pagsasabatas ng panukala laban sa ticket scalping, pinaaaprubahan na ng isang senador

Pinamamadali ni Senator Kiko Pangilinan ang pagsasabatas sa panukala laban sa ticket scalping na inendorso ng Senate Committee on Justice and Human Rights para sa plenary debates.

Tinukoy ng senador hindi lang simpleng negosyo ang scalping kundi sistematikong pananamantala kung saan naagrabyado ang consumers, artists, at gobyerno.

Sa panukalang Anti Ticket Scalping Act o Senate Bill number 1989, ipagbabawal ang scalping o hoarding para sa reselling sa mas mataas na presyo ng admission tickets sa mga entertainment events tulad ng concerts, movie screenings, fan meets, stage performances, pageants, at sports events.

Ituturing na krimen kapag ibinenta ang inipit at inipon na admission tickets sa presyong mas mataas ng 10% sa nararapat at kung walang permiso ang organizers.

Magiging krimen din ang paggamit ng automated bot, fake accounts, fake identities, at multiple accounts para makapag hoard ng admission tickets.

Oras na maisabatas, ang mga lalabag dito ay makukulong ng anim na buwan hanggang tatlong taon at pagmumultahin ang scalpers ng hanggang P500,000.

Facebook Comments