Ikinalugod ni Senate Committee Chairman Sonny Angara ang pagiging ganap na batas ng tatlong panukala na magpapayaman sa pag-unlad ng mga kabataang Pilipino bilang mga ‘future leaders’ at ‘productive members’ ng lipunan.
Nitong July 30 ay nag ‘lapse into law’ o otomatikong naging batas ang National Youth Day o Republic Act (RA) 11913 at ang National Music Competitions for Young Artists (NAMCYA) o Republic Act 11915 habang noong July 28 naman naging otomatikong batas ang Summer Youth Camp o Republic Act 11910.
Ayon kay Angara, nagpapasalamat siya sa pagkakasama ng mga panukala sa listahan ng mga bagong batas na layong paghusayin ang kakayahan ng mga kabataan.
Kadalasan aniyang napapabayaan sa mga prayoridad ng gobyerno ang mga programa sa mga kabataan ngunit nararapat naman ang higit na atensyon dito dahil ang mga kabataan ang kumakatawan sa hinaharap ng bansa.
Sa ilalim ng RA 11913 ay idinedeklara ang August 12 na National Youth Day na katulad din sa International Youth Day na idineklara ng United Nations.
Dito ay hinihikayat ang mga educational institutions na magsagawa ng mga aktibidad tulad ng leadership training, youth empowerment, workshops, basic mass integration at community immersion.
Ang RA 11915 naman ay itinatalaga ang NAMCYA para sa pagkakatuklas ng mga natatanging talento sa musika sa bansa habang ang RA 11910 o Summer Youth Camps program ay paraan naman para malinang sa mga kabataan ang social responsibility, pagkamakabayan, pagseserbisyo sa kapwa at leadesrhip sa mga kabataan.