
Isinulong ni House Committee on Labor chairperson at Cavite 1st district Rep. Jolo Revilla na magkaroon ng batas para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
nakapaloob ito sa House Bill 86 o panukalang TUPAD act na inihain ni Revilla na layuning makatugon agad ng mabilis at may malasakit ang gobyerno para matulungan ang nawalan ng kabuhayan.
Batay sa panukala ni Revilla, mula sa pagiging “stop-gap program” ng TUPAD ay magsisilbi itong pundasyon ng social protection at employment response system ng bansa, lalo na sa panahon ng krisis gaya ng mga kalamidad, economic shocks, pandemya at malawakang tanggalan sa trabaho.
Iniaatas din ng panukala ni Revilla ang pagtiyak sa pondo ng TUPAD program, pagpapalawak sa implementasyon nito, at pagkakaroon ng mas malinaw na patakaran upang matiyak ang positibong epekto at hindi maabuso.
Target din ng panukala ni Revilla na maisama sa TUPAD program ang mga informal at seasonal workers gayundin ang mga apektado ng “force majeure” o emergencies na deklarado ng gobyerno.









