Muling binuhay ni Senate Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe ang agad na pagsasabatas sa National Transportation Safety Board.
Kasunod na rin ito ng pagkahulog ng bus sa bangin sa Antique kung saan 17 ang nasawi.
Ayon kay Poe, nakakalungkot na patuloy na nangyayari ang mga crash incidents dahil ang mga sasakyan na hindi roadworthy ay patuloy pa ring pinapayagan na makabyahe sa mga highways at ang ilang mga drivers ay hinahayaang humawak ng manibela kahit hindi sumailalim sa pagsasanay.
Sinabi ni Poe na napapanahon na ang paglikha ng National Transportation Safety Board na siyang magiging responsable sa pag-iimbestiga sa lahat ng mga transport-related incidents sa himpapawid, lupa at sa karagatan kasama rito ang mga railways at pipeline systems.
Saklaw ng panukala ang mahigpit na inspeksyon sa mga public vehicles, driver’s licensing at safety measures para maiwasan ang mga aksidente sa lansangan.
Pinatitiyak naman ni Poe na ang mga nakokolektang fees ng mga concerned agencies mula sa vehicle registration at mga buwis ay mapupunta sa road safety measures tulad ng street lights, railings at sign boards.