Pagsasabatas sa proposed 2023 budget bago mag-Pasko, tiniyak ng liderato ng Kamara

Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez kay Pangulong Bongbong Marcos at sa mamamayang Pilipino na bago matapos ang kasalukuyang taon ay mararatipikahan na ng Kamara at Senado ang panukalang 2023 national budget na siyang sandigan ng “agenda for prosperity” ng administrasyon.

Mensahe ito ni Romualdez sa pagsisimula ng bicameral conference committee kung saan pag-iisahin ang ipinasang bersyon ng 2023 budget ng Mataas at Mababang Kapulungan.

Sabi ni Romualdez, may sapat na panahon ang dalawang kapulungan para mabuo ang pinal na bersyon ng 2023 budget bago mag-recess ang kanilang session sa December 17.


Ayon kay Romualdez, ang 2023 budget ang magsasakatuparan sa mga hakbang ng administrasyon para matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, mababang pasahod at epekto ng pandemya lalo na sa ekonomiya.

Tiwala si Romualdez na mapapabilis ng 2023 budget ang economic growth na tiyak magbibigay benepisyo sa mamamayang Pilipino.

Facebook Comments