Iminungkahi ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Sarmiento na magkaroon ng limang araw na dry run ng public transportation sa mga lugar na kasalukuyan pa ring sakop ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ito ay upang maiwasan ang “disastrous mistake” oras na i-lift na ang ECQ sa May 15 para sa transition sa General Community Quarantine.
Sa pahayag na inilabas nitong weekend, hinikayat ng kongresista ang Department of Transportation (DOTr) na tiyaking handa at well-equipped ang ahensya sa pagpapatupad sa mga guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa pagbabalik ng pampublikong transportasyon.
Aniya, sa pamamagitan ng dry run, madaling mae-evaluate ng DOTr kung paano isasagawa ang physical distancing habang manageable pa ang volume ng mga pasahero.
Bukod dito, makatitiyak din ang mga otoridad na nasa maayos na kondisyon ang mga sasakyan, tren, eroplano at barko kapag nag-operate na ang mga ito sa panahon ng GCQ.
Mahalaga din aniyang mapag-aralan ng DOTr ang maliliit pero importanteng detalye gaya ng pagbabayad ng pamasahe, passenger queues, crowd management, seating arrangement at tamang pananamit.