Pagsasagawa ng community pantry sa kasagsagan ng ECQ, hindi papayagan

Hindi papahintulutan ng mga otoridad ang pagsasagawa ng community pantry sa kasagsagan ng lockdown o Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila na magsisimula sa Biyernes, Agosto 6 hanggang 20, 2021.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na ang talagang mithiin ng pamahalaan sa 2 linggong ECQ sa National Capital Region (NCR) ay pananatali ng lahat sa kani-kanilang mga tahanan o pagiging homeliner.

Ani Abalos, wala namang problema sa mga nais magpahatid ng tulong sa ating mga apektadong kababayan pero mas mainam na i-coordinate ito sa mga lokal na pamahalaan nang sa ganon ay mabahay-bahay ang mga ayuda at hindi na lumabas pa ang mga tao.


Kapansin-pansin kasi na kapag may community pantry dinudumog ito ng mga tao dahilan para ito ay maging isang super spreader event.

Nabatid na umusbong ang mga community pantry dahil sa kakulangan ng ayuda sa ating mga kababayan na lubos na apektado ng pandemya.

Facebook Comments