Pagsasagawa ng dayalogo, tanging paraan sa ngayon para maiwasang lumala ang tensyon sa West Philippine Sea

Iginiit ni Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Imee Marcos na tanging sa makabuluhang dayalogo lamang maiiwasang lumala ang tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas.

Sa paggunita ng ika-82 Araw ng Kagitingan, binigyang-diin ni Marcos na balewala ang katapangan ng mga Pilipino kung hindi naman tayo handa dahil walang balang panlaban.

Batay ito sa pinakahuling report ng Commission on Audit kung saan bigo ang Government Arsenal ng DND na makapag-produce ng arms and ammunitions sa kabila ng P455 million na ginastos dito noong 2023.


Naniniwala ang senadora na walang weapons system kahit pa ang pinakamakabago ang makapagpapatigil sakaling magkagiyera.

Giit ni Marcos, ang madalas na dayalogo ang dapat na gawin ng pamahalaan, pero ito ay dapat na ginagawa rin sa lebel ng lehislatura at mismong presidente na siyang architect ng ating foreign policy at commander-in-chief ng hukbong sandatahan at hindi lamang sa pagitan ng DFA, Coast Guard at Defense Department.

Hinimok din ng mambabatas ang pagsasagawa ng multilateral discussions sa iba pang mga claimants sa South China Sea kabilang ang China, Brunei, Vietnam, Malaysia, Indonesia, at Taiwan sa tuwing may mga mangyayaring insidente sa disputed area at ang muling pagbuhay sa Self-Reliant Defense Posture (SRDP) program ng bansa.

Facebook Comments