Pagsasagawa ng face-to-face classes sa lahat ng degree sa kolehiyo, malabo pa – CHED

Hindi pa maaaring ipatupad sa kasalukuyan ang isinusulong na face-to-face classes para sa lahat ng degree sa kolehiyo sa mga lugar na COVID low risk area.

Paglilinaw ito ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera, kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasagawa ng limited face-to-face classes para sa iba pang degree program na nangangailangan ng hands-on experience.

Partikular ang mga kurso para sa engineering, hospitality o hotel at restaurant management, tourism management, marine engineering, at marine transportation, bukod pa sa kursong medisina.


Sa Laging Handa public press briefing, sinabi nito na pinag-aaralan pa nila ang planong ito.

Bagama’t gumagawa na aniya sila ng guidelines para dito, hindi pa ito maaaring ipatupad sa kasalukuyan, dahil nasa 27% pa lamang ng mga estudyante sa buong bansa ang nababakunahan laban sa COVID-19.

Bukod dito, kailangan din aniyang kasama sa usapan na ito ang LGUs, hindi lamang ang mga pamantasan.

Kailangan din aniyang ikonsidera kung sapat na ba ang pampublikong transportasyon, maging ang vaccination rate sa paligid ng paaralan, at iba pang sektor lalo’t bumabiyahe ang mga mag-aaral.

Facebook Comments