Iginiit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tanging non-contact sports na walang manonood ang pinapayagan sa ilalim ng regulasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ito ang nilinaw ng DILG kasunod ng mga tanong kung maaari na bang magsagawa ng fun run at organized marathons.
Ayon kay Interior Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, bawal pa ring gawin ang fun run at marathons dahil paglabag pa rin ito sa mass gathering provision.
Nilinaw naman ni Malaya na maaari pa ring gawin ng mga indibidwal ang paglalakad, pagtakbo at pagbisikleta basta nasusunod ang health at safety protocols.
Sinabi rin ni Malaya na mas nakokontrol ng Pilipinas ang pandemya kumpara sa Europe, Latin America, Indonesia, India at Estados Unidos.
Samantala, hinihikayat ng DILG ang mga Local Government Units (LGU) na magpasa ng ordinansa na naaayon sa joint administrative order (AO) para sa active transport na inisyu ng kagawaran, Department of Transportation (DOTr), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang pagbuo ng bike lanes ay joint effort ng DILG, DOTr at DPWH.