Iginiit ng Department of Health (DOH) na kakayanin ng Pilipinas na makapagsagawa ng nasa 32,100 COVID-19 test kada araw kung wala lamang kakulangan sa supply at kagamitan sa mga accredited laboratories.
Ito ang paglilinaw ng DOH sa pahayag ng Malacañang na naabot na ang target na 30,000 COVID-19 testing capacity.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang daily testing capacity na binanggit ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ay ang tinatayang maximum capacity ng lahat ng lisensyadong laboratoryo sa bansa.
Nakabase aniya ito sa bilang ng mga makina, bilang ng mga manggagawa, at operating hours ng mga laboratoryo.
Hindi pa kasama rito ang ilang factors na maaaring makaapekto sa operasyon ng bawat laboratoryo tulad ng availability ng lab supplies, isyu sa human resources, equipment at isyu sa imprastraktura.
Binanggit din ni Vergeire ang sitwasyon ng mga laboratoryo sa Bicol at University of the Philippines National Institute of Heath na naapektuhan ng Bagyong Ambo.
Gayumpaman, tiniyak ni Vergeire na puspusan na ang pagtatrabaho ng pamahalaan sa pagsasagawa ng 32,000 COVID-19 test sa loob ng dalawang linggo sa pamamagitan ng pag-accredit ng karagdagang laboratoryo.
Paglilinaw din ni Vergeire, hindi nagsasagawa ang pamahalaan ng mass testing kundi expanded targeted testing lalo na at limitado pa rin ang resources ng bansa sa pagsasagawa ng testing sa mga symptomatic at sa mga nagkaroon ng exposure sa COVID-19 patients.
Magbibigay din ang ahensya ng automated extraction machines na kayang mapabilis ang processing time ng mga samples, at karagdagang Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) machines.
Sa ngayon, nasa 42 ang DOH-licensed laboratories, kung saan 34 ang RT PCR laboratories at walo ang GeneXpert facilities.