PAGSASAGAWA NG IKALAWANG QUARTERLY NATIONWIDE SIMULTANEOUS EARTHQUAKE DRILL SA IBA’T IBANG LUGAR SA REHIYON UNO, NAGING MATAGUMPAY; ILANG BAYAN SA PANGASINAN, NAKARANAS NG PAGYANIG

Matagumpay na ginanap kahapon, araw ng Miyerkules ang ikalawang quarterly Nationwide Simultaneous Earthquake Drill sa iba’t ibang lugar sa bansa partikular na sa rehiyon Uno.
Kahapon, ika-8 ng Hunyo ang ikalawang quarter ng pagsasagawa ng mahalagang paghahanda na ito kung saan layunin ng naturang aktibidad na ito ay upang maipaalala sa sinuman ang iba’t ibang kahandaan na maaaring gawin tuwing may mga kalamidad gaya na lamang ng paglindol o pagyanig.
Sa naging panayam ng IFM Dagupan kay Mark Masudog, ang Public Information Officer ng Civil Defense Ilocos, naging matagumpay naganap na aktibidad kung saan nilahukan ito ng iba’t ibang opisina ng gobyerno, mga paaralan at mga pribadong establisyemento sa rehiyon uno partikular na sa San Emilio, Ilocos Sur na siyang pilot area sa Ilocos Region kung saan ito ay mandato ng Central Office ng OCD.

Ayon pa sa kanya, regular aniyang ipinapaalala sa lahat ang ganitong aktibidad upang nang sa ganoon ay maging handa at kung ano ang mga dapat gawin sakaling makaranas ng mga kalamidad.
Ayon pa sa kanya, mayroon aniyang ginagawa ang ahensya na mas makakatulong sa publiko upang mas maipaalam ang mga hakbangin sa paghahanda o tinatawag na Information, Education and Communication Campaign.
Samantala, sa kabila ng pagseselebra ng NSED, niyanig ang bayan ng Mabini dito sa Pangasinan kung saan sa tala ng PhiVolcs nasa 3.6 Magnitude ang lakas nito at naramdaman ito sa mga karatig bayan gaya na lamang ng Alamino City, Agno, Bolinao at Bani.
Sa ngayon wala naman aniyang naitalang malaking problema sa naganap na pagyanig.
Binigyang-diin ng opisyal ang pagsasagawa ng Duck, cover and hold tuwing nakakaranas ng Lindol. |ifmnews
Facebook Comments