Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Gamboa ang imbestigasyon sa mga pulis na nasasangkot sa umano ay pang-aabuso sa karapatang pantao ng mamamayan.
Kaugnay ito sa pambubugbog ng mga otoridad sa isang lalaki matapos lumabag sa quarantine protocols sa Quezon City.
Ayon kay Gamboa, pinayuhan na niya ang publiko ng iparating sa kanila ang anumang hinaing at problema para agad itong maaksyunan.
Handa na rin aniya ang kanilang hanay na magsagawa ng imbestigasyon kung may insidenteng magaganap kaugnay dito.
Kasabay nito, nanawagan si Gamboa sa mga militanteng grupo na huwag nang magsagawa ng public assembly o mass action kasabay ng pagdiriwang ng ramadan.
Nirerespeto naman aniya nila ang anumang mga pagtitipon pero hindi sa mga panahong nakakaranas ng health crisis ang bansa dahil sa COVID-19.
Giit pa ni Gamboa, hindi magdadalawang-isip ang mga pulis na arestuhin, pagmultahin at sampahan ng kaso ang mga lalabag sa ECQ, bilang proteksyon laban sa COVID-19.