
Hindi titigil ang grupong PISTON sa pagkalampag sa pamahalaan hangga’t hindi nito nakukuha ang mga hiling nito sa gobyerno.
Ito ang tiniyak ni Cerilo Latoreno, PISTON Metro Manila South Coordinator, kasunod ng pagbawi sa pisong fare hike.
Aniya, kahit tatapusin na nila ngayong araw ang tigil-pasada at mamamasada na ang kanilang mga tsuper bukas, ay hindi naman titigil ang ilan nilang miyembro sa pagsasagawa ng kilos-protesta.
Panawagan pa rin ng grupo na pansamantalang suspendehin ang umiiral na excise tax at 12 percent na Value-Added Tax (VAT).
Iginiit ni Latoreno na sa pamamagitan nito ay makakabawi ang mga tsuper sa kanilang kita dahil sa mataas na presyo ng diesel na pumapalo na sa P100 kada litro.
Mamayang alas-9:00 ng umaga ay tutungo ang grupong PISTON sa Mendiola sa southern Manila, at dakong alas-12:00 ng tanghali ay tutungo ang mga ito sa Malacañang.










