Suportado ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) ang desisyon ng pamahalaan, sa ilalim ng Department of Education (DepEd) na muling ibalik ang face-to-face classes sa low risk areas sa susunod na taon.
Sa statement, inihayag nila ang kahandaan na suportahan ang pagpapatupad ng in-person schooling habang tumutugon sa pandemya sa pamamagitan ng pagbibigay ng technical assistance, essential supplies, learning resources para sa mga guro, estudyante at mga magulang.
Pero nagpaalala ang international organization, na nangangailangan ng “risk-informed approach” ang limited in-person learning para matiyak na ang pabubukas ng mga eskwelahan ay ligtas para sa mga bata at kanilang pamilya.
Lumalabas sa mga pag-aaral na ang limited face-to-face classes ay hindi pangunahing dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 pero nananatili itong banta.
Anila, maiiwasan ito kung mayroong proper infection prevention at control measures.
Ilang polisiya rin ang kailangang ilatag para sa pagbabalik ng face-to-face learning kabilang ang pagkakaroon ng communication plan sa mga eskwelahan at community members, testing, paggamit ng masks, proper hygiene, maayos na access sa malinis na tubig, pagkakaroon ng sanitation at handwashing facilities, social distancing, transportation, disinfection at ventilation ng mga classrooms, safe food preparation, proper waste disposal at prevention of stigma at discrimination.
Nanawagan din ang UNICEF sa pamahalaan na iprayoridad ang mga guro sa mga makakatanggap ng COVID-19 vaccine.