Ikinokonsidera ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsasagawa ng manual recount sa mga balota noong 2022 national elections kasunod ng alegasyon ng dayaan sa nasabing halalan.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, sa susunod na linggo ay maglalabas na ng “disposition” ang En Banc, na magrerekomenda sa petitioners na mamili ng balota sa kahit anong rehiyon sa bansa para isagawa ang manual recount.
Ihahambing aniya ang mabibilang na boto sa election returns ng Comelec at PPCRV para makita kung talagang nagkaroon ng discrepancy o hindi tugmang bilang ng mga boto sa eleksyon.
Target isagawa ang manual recount pagkatapos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre, kasabay ng paghahanda ng komisyon sa 2025 midterm elections.